By : Rowena Chavez
MANILA, PHILIPPINES — Hindi lamang imprastraktura at power facilities ang pinapalakas ng AboitizPower sa gitna ng lumalaking pangangailangan sa kuryente sa bansa—pinalalawak din nito ang hanay ng mga batang inhinyerong inaasahang magiging susunod na mga lider sa sektor ng enerhiya.
Sa pamamagitan ng Cadetship Program at ng Global Technical Center of Excellence (GTCOE), nakatuon ang kumpanya sa paghubog ng technical skills, operational knowledge at workplace capabilities ng mga bagong engineering graduates.
Sa Cadetship Program, binibigyan ng structured career pathway ang mga engineering graduate mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinagsasama nito ang technical training, plant-specific training at aktuwal na on-the-job experience sa mga generation facilities ng AboitizPower Transition Business Group.
Kabilang sa pinakabagong batch ang 12 engineering graduates na magsisimula sa anim na buwang programa matapos ang hiring event sa Toledo City at Cebu City na nilahukan ng 27 kandidato mula sa Mechanical, Chemical, Electrical at Electronics Engineering.
Ayon kay Aldren Ribalde, Technical Academy Manager, nakabatay ang programa sa pangmatagalang pangangailangan ng mga power facility upang matukoy, mahubog at ma-develop ang mga talentong maaaring maging bahagi ng workforce ng kumpanya.
Samantala, binibigyang-diin din ng AboitizPower ang kahalagahan ng pagkuha ng talento mula sa mga regional university at partner schools upang mapalawak ang talent pool at makapagbigay ng career opportunities sa mga lugar kung saan naroroon ang kanilang operasyon.
TECHNICAL TRAINING, PINAIIGTING
Hindi nagtatapos sa recruitment ang programa. Sa ilalim ng GTCOE, nagtutulungan ang JERA at AboitizPower sa pagbuo ng technical capabilities ng kanilang mga engineer sa power plant operations, maintenance, safety at emerging energy technologies.
Bahagi ng Cadetship Program ang tatlong linggong training ng mga cadet sa GTCOE, kung saan natututo silang kasama ang kanilang mga counterpart mula sa JERA sa Japan bago sila sumailalim sa plant-specific training at on-the-job training sa kani-kanilang assignment.
Mula Setyembre 2025, nakapagtala na ang GTCOE ng apat na cohorts na may kabuuang 96 graduates mula sa Basic Operations and Maintenance Program—58 mula sa AboitizPower cadets at 38 mula sa JERA participants.
Sa mas malawak na programa, humigit-kumulang 2,000 AboitizPower at JERA participants na ang nabigyan ng training at capability development mula nang ilunsad ang center.
Para sa AboitizPower, ang paghubog sa mga batang engineer ay bahagi ng mas malawak na paghahanda sa pangangailangan ng sektor ng enerhiya habang patuloy na lumalawak ang operasyon nito sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Hindi lamang mga bakanteng posisyon ang layunin ng programa kundi ang pagbuo ng tuloy-tuloy na talent pipeline—mga propesyonal na may sapat na kaalaman, kasanayan at karanasan upang makatulong sa pagpapatakbo ng mga pasilidad na nagsusuplay ng enerhiya sa mga komunidad at industriya.| Rowena Chavez
0 Comments