By : Rommel.Madrigal
Naglabas kamakailan ng babala ang Mekeni Food Corporation sa publiko at sa kanilang mga pinapahalagahang kostumer ukol sa mga mapanlinlang na indibidwal na nagpapanggap bilang opisyal na sales agents ng kompanya sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Batay sa naturang kumpanya, ang mga pekeng ahente ay lumalapit sa mga retailer at may-ari ng sari-sari store upang hikayatin silang bumili ng mga hindi awtorisado o peke umanong produkto.
Sa pahayag ni G. Paulo Orfinada, Head Sales ng Mekeni Food Corp.“Mahigpit naming binabantayan ang ganitong uri ng panlilinlang dahil hindi lamang ito nakaaapekto sa aming negosyo, kundi pati na rin sa tiwala ng aming mga tapat na customer at partner,”
Bilang pag-iingat, pinapayuhan ng Mekeni ang publiko na tiyaking lehitimo ang kausap na sales agent sa pamamagitan ng pagtawag sa opisyal na hotline ng kompanya sa +639 45 458 0000 local 3707 o pagbisita sa kanilang opisyal na website. Nilinaw rin ng Mekeni na hindi kailanman hihingi ng bayad ang kanilang mga tauhan bago ang opisyal na delivery ng produkto.
Hinihikayat ng kompanya ang mga retailer at mamimili na agad ireport sa mga kinauukulang ahensya o sa kanilang lokal na pamahalaan (LGU) ang sinumang kahina-hinalang indibidwal na nag-aangking konektado sa Mekeni.
Muling iginiit ng Mekeni ang kanilang matibay na paninindigan sa pagprotekta sa mga mamimili at sa pagpapanatili ng kalidad at pagiging tunay ng kanilang mga produkto. Nanawagan sila sa publiko na maging mapagmatyag at makipag-ugnayan lamang sa mga lehitimong kinatawan ng Mekeni. (ROMMEL MADRIGAL)
0 Comments