MEDICAL CARAVAN SA LAGUNA ISINAGAWA NI SEN. TOLENTINO KASAMA ANG TEAM TOL!
By : Rommel Madrigal

Magkakasunod na tinungo ni Senador Francis 'TOL' Tolentino ang apat na lungsod sa Laguna para tuparin ang kanyang ipinangako nooong nakaraan na magkakaloob siya ng libreng pustiso at salamin sa ilang nangangailangan ng mga gamit sa mata at bibig.

At upang maituloy din ang serye ng kanyang medical missions na naglalayong maghatid ng pag-asa at serbisyong medikal sa mga komunidad.

Sinuyod ng TOL medical caravan ang mga lungsod ng San Pedro, Biñan, Sta. Rosa, at Calamba nitong Biyernes, kung saan mahigit 300 pasyente sa bawat lokalidad ang tumanggap ng tulong.

Kasama sa natanggap ng mga pasyente ang ‘assistive devices’ mula sa senador, kabilang ang wheelchairs para sa mga bata at matanda, prescription eyeglasses, at prescription dentures o pustiso, at namahagi rin ng mga bitamina, maintenance medicines ang Team TOL.

Sa talumpati ng Senador, ibinahagi niya ang karanasan sa pagbisita sa lalawigan ng Bukidnon noong Huwebes, kung saan nanguna sya sa pamamahagi ng mga titulo at certificates of loan condonation sa mahigit 5,000 magsasaka mula sa iba't ibang probinsya sa Hilagang Mindanao.
“Matapos umano nyang makita ang ngiti ng mga magsasaka nang matanggap ang titulo sa kanilang sakahan, yung iba, na natapos sa loob ng tatlong dekada, nasiyahan si Sen Tol na maging kabahagi ng aktibidad, kasama ang Department of Agrarian Reform (DAR), at sa ngalan ng Pangulo,” ani Tolentino.
“Tulad ng sinabi ko sa mga magsasaka ng Hilagang Mindanao, ganoon din ang aking mensahe sa inyo, huwag mawawalan ng pag-asa sa pagsisikap at sa patnubay ng Diyos ay malalagpasan ang anumang pagsubok, at makakamit din ang magandang bukas,” diin nya.
Kasama ang Department of Health (DOH) at health offices ng local government units, mababatid na, nauna nang nagtungo ang TOL medical caravan sa Cavite, Rizal, at Batangas. (ROMMEL MADRIGAL)
0 Comments