MANDALUYONG CITY SINIMULAN NA ANG INTEGRATED UNDERGROUND WIRING SYSTEM By : Felix Tambongco

MANDALUYONG CITY SINIMULAN NA ANG INTEGRATED UNDERGROUND WIRING SYSTEM 


By : Felix Tambongco 

Pormal nang inilunsad ng Lungsod ng Mandaluyong, sa pangunguna nina Mayor Ben Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos, at ng Sangguniang Panlungsod, ang Integrated Underground Wiring System (IUWS) Plan, kung saan ililipat ang mga kable ng kuryente, komunikasyon, at iba pang utility cables mula sa mga poste patungo sa ilalim ng lupa.

Ayon kay Mayor Abalos, layunin ng nasabing proyektong ito na mas mapabuti ang kaligtasan at kaayusan ng mga kalye sa lungsod. Kung nasa underground na ang mga kable, maiiwasan ang posibleng sakuna dulot ng mga lumalaylay na kable o ang pagbagsak ng mga poste na kinakabitan ng sobrang daming kable.

Ang paglilipat ng mga utility cables ay sisimulan sa Maysilo Circle kung saan matatagpuan ang City Hall Complex at magpapatuloy sa ibang mga kalsada sa lungsod.

Dagdag pa ni Mayor Abalos na sa pamamagitan ng IUWS Plan makakamit ang inaasam ng publiko na maging isang 'walkable city' ang Mandaluyong at kung nakumpleto ay higit na komportable at ligtas ang mga residente at bisita ng lungsod.

Inaasahan din na dahil sa proyekto ay mababawasan ang mga insidente ng power losses na madalas makaapekto sa mga negosyo. Kung sakaling magkaroon ng aksidente o sakuna, mas magiging protektado ang utility cables dahil matatagpuan na ang mga ito sa ilalim ng lupa.

Sa pagpapatupad ng IUWS Plan ay mas magiging matatag ang serbisyo ng kuryente, na isa sa pangunahing serbisyong kinakailangan ng maraming mga negosyo sa lungsod, lalo na sa panahon ng emergency o kalamidad.

Post a Comment

0 Comments