MAHIGIT 2M HALAGA NG DROGA AT ARMAS NAKUMPISKA SA DALAWANG HVI SA BATANGAS. By Rommel Madrigal
BATANGAS CITY, Batangas-Arestado ang dalawang high-value individual (HVI), dahil sa kanilang pag-iingat ng tinatayang 330 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,244,000 at nakuha rin sa kanila ang baril, sa ikinasang buy-bust sa Barangay Dumuclay Batangas City.
Kinilala ni Batangas provincial director Col. Jacinto Malinao Jr. ang mga suspek na sina alyas "Rommel," 51 taong gulang, mangingisda; at alyas Marco, 29 taong gulang, isang construction worker, na kung saan sila ay parehong residente ng Bauan, Batangas.
Dinakip ang mga suspek matapos magbenta ng iligal na droga sa mga undercover na operatiba.
Sinabi ni PD Malinao na ang operasyon ay pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit sa pakikipag-ugnayan sa Batangas City Police Station.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakuha rin ng mga awtoridad ang isang Cal .45 pistol na may magazine at mga bala.
Nasa kustodiya na ngayon ng Batangas Police Provincial Office ang mga naarestong suspek para sa pagproseso at dokumentasyon, at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 at RA 10591.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Malinao sa komunidad sa kanilang walang sawang suporta at pakikipagtulungan sa mga awtoridad.
Ani Malinao"Ang matagumpay na operasyong ay malaking dagok sa sindikato ng droga na kumikilos sa lalawigan. Patuloy pa nilang paiigtingin at sisikapin na alisin sa Batangas ang iligal na droga at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng komunidad.
0 Comments