By : Rommel Madrigal
Mainit ang naging pagtanggap ni Batangas Governor DoDo Mandanas sa isinagawang Pre-Mission Activity ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) FishCore Team kaugnay ng Fish Port Project sa Lalawigan ng Batangas, na ginanap sa Bulwagang Batangan, Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.
Nakadaupang-palad ng gobernador at mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mga bisita mula sa BFAR Central Office - National Project Management Office, BFAR Region 3 - Regional Project Implementing Units, at BFAR IV-A - Fisheries Management Areas Coordinating Units upang magtalakayan ang Fish Port Project o ang Batangas Hapag-Isdaan ng Mamamayan, na nakatakdang isagawa sa ilalim ng FishCore Project.
Matapos ang maikling programa, nagtungo ang buong grupo sa Barangay Sta. Rita Aplaya, Batangas City at Barangay Danglayan, San Pascual, Batangas upang bisitahin ang lugar kung saan planong itayo ang nasabing fish port.
Ang Philippine Fisheries and Coastal Resiliency Project o mas kilala bilang FishCore Project ay isang pitong taon na proyekto na pinangungunahan ng DA-BFAR, at isinasagawa sa pakikipagbalikatan sa World Bank at iba pang ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng DA.
Sinimulan ang proyekto noong 2023 at inaasahang matatapos sa taong 2029. Inaasahan ding makikinabang ang nasa 1.15 milyong miyembro ng industriya ng pangisdaan sa 11 rehiyon at 24 na probinsya sa bansa kabilang ang mga mangingisda, small to medium enterprises at iba pang stakeholders.
Pangunahing layunin ng Fishcore project ang mapabuti ang kalagayan ng sector ng pangisdaan at mapataas ang halaga ng produksyon ng mga ito sa mga piling Fisheries Management Areas sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagpapaunlad at implementasyon ng mga akmang polisiya sa pangangasiwa ng pangisdaan sa bansa, pagtatatag ng pasilidad para sa rehabilitasyon ng mga baybayin at yamang-tubig, at pagtatatag ng mga imprastraktura at pasilidad sa pangisdaan.
Nakibahagi sa naturang aktibidad sina Provincial Administrator Wilfredo Racelis; Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo Bautista, Jr.; Planning and Programming Division Officer-in-Charge Milagros Añonuevo bilang kinatawan ni Provincial Engineer Gilbert Gatdula; at mga kinatawan mula sa Provincial Planning and Development Office, Provincial Government ng Batangas.
0 Comments