174 KAPANGANAKAN NG DAKILANG PROPAGANDISTA GAT MARCELO H. DEL PILAR, GINUNITA SA HARAP NG KANYANG DAMBANA SA BULAKAN, BULACAN. By : Jimmy Mahusay

174 KAPANGANAKAN NG DAKILANG PROPAGANDISTA GAT MARCELO H. DEL PILAR, GINUNITA SA HARAP NG KANYANG DAMBANA SA BULAKAN, BULACAN. By : Jimmy Mahusay
 
LUNGSOD NG MALOLOS - “Sayang naman ang pinagbuwisan ng buhay ng ating Dakilang Bulakenyo kung hindi natin magkaisang isusulong ang isang malaya, makatarungan at mapagkalingang lipunan. Gaano man kalaki ang hinihinging sakripisyo at gaano man kabigat ang ating mga pagsubok, piliin po nawa nating laging tumindig sa tama. Piliin natin ang atas ng Diyos. Piliin natin ang tapat na paglilingkod sa ating kapwa.”
 
ITO ang mensahe ni Gob. Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo sa ginanap na paggunita ng ika-174 na Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat Marcelo H. Del Pilar sa Dambana ng dakilang propagandista sa  Brgy. San Nicolas, Bulakan, Bulacan kamakalawa Agosto 30, 2024
 
Ayon sa gobernador  “hanggang sa kasalukuyan ay pinagbibigkis pa rin tayo ng kaniyang mga likha at aral. Naririto tayong lahat hindi lamang upang gunitain ang kaniyang kabayanihan at kagitingan. Narito tayo hindi lamang upang gunitain ang aral ng ating kasaysayan. Tayo ay umiiral sa makabagong mundo kung saan marapat lamang na   wala nang puwang ang pagmamalabis, karahasan, pandaraya.
 
Samantala, inihayag ng panauhing pandangal at dating Tagapangulo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Greco Belgica, kinatawan ni Senador Christopher Lawrence T. Go, ang mensahe ng huli na nagsasabing ang pagmamahal sa bayan ay dapat higit pa sa salita at mas marami ang gawa.
 
“Ang buhay ni Gat Marcelo H. del Pilar ay isang malinaw na paalala na ang pagmamahal sa bayan ay dapat na lagpas sa salita; ito ay nasusukat sa ating mga gawa at handang isakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami,” ani Belgica.
 
Sinabi rin ng panauhing tagapagsalita na hindi naging madali ang magtaguyod ng pagbabago at kalayaan noong panahon ni Gat Marcelo H. del Pilar, ngunit dahil sa kanyang malasakit at tapang, marami ang nahikayat at nagkaisa upang labanan ang pang-aapi.
 
“Dagdag pa ni Belgica na sa kasalukuyan aniya ay patuloy nating ipinaglalaban ang mga karapatan ng Pilipino, lalo na ang mga mahihirap, at bahagi niyan ang pagsusulong ni Senator Bong Go ng mga batas at programa na layong magbigay ng mas maayos na serbisyong pampubliko para sa lahat ng Pilipino”.
 
Gayundin, pinangunahan ni Belgica ang mga Bulakenyo kasama sina Fernando, Bise Gob. Alexis C. Castro, Punong Bayan Vergel C. Meneses ng Bulakan, pamilya at mga kamag-anak ni Marcelo at ilang opisyal at miyembro ng mga organisasyon ng media, sa pagpaparangal kay Marcelo H. del Pilar sa isinagawang pag-aalay ng bulaklak sa harap ng dambana ng bayani.
 
Naging posible ang komemorasyon sa pamamagitan ng magkatuwang na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pamahalaang Bayan ng Bulakan at ng National Historical Commission of the Philippines.
 
Tuwing Agosto 30, 2024 ay holiday sa Bulacan kasabay ng pagdiriwang ng National Press Freedom Day. ( Jimmy Mahusay)

Post a Comment

0 Comments