SEN. GATCHALIAN NAIS NA LALIMAN ANG IMBESTIGASYON SA PATULOY NA ILEGAL NA OPERASYON NG POGO SA KABILA NG TOTAL BAN NA DIREKTIBA NG PANGULO By : Jojo Sicat
Nais na laliman ni Senate Committee on Ways and Means Senador Sherwin Win Gatchalian ang imbestigasyon tungkol sa nagpapatuloy pa rin na iligal na operasyon ng mga POGO sa bansa sa kabila ng direktiba ng Pangulo na total ban nito.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag matapos ang pagkakaligtas ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mahigit 160 na foreign nationals matapos salakayin kamakailan ng mga otoridad ang POGO hub sa Lapu-Lapu City sa Cebu.
Ayon kay Gatchalian, ang pagkakatuklas sa mga tumakas na empleyado ng POGO sa Bamban at Porac sa ni-raid na POGO sa Cebu ay nagbibigay suhestyon na mababaw pa lang ang isyung hinihimay ng Senado.
Nangangailangan na aniya ng mas malalimang pagsisiyasat lalo't may ilang POGO operators at agents ang patuloy na binabalewala ang batas sa pamamagitan ng paglipat ng kanilang mga iligal na aktibidad mula sa isang lugar papunta sa ibang lokasyon.
Iginiit pa ni Gatchalian na kailangan na ng striktong pagpapatupad at mas komprehensibong hakbang upang matiyak na ang mga operasyon ng POGO ay permanenteng mapapatigil na sa bansa.
Dagdag pa ng senador, kailangan dito ng pagtutulungan ng mga law enforcement agencies, PAGCOR at lokal na pamahalaan para tuluyang masawata ang mga iligal na aktibidad ng POGO at matiyak ang pagtalima sa direktiba ng gobyerno.
0 Comments