By : Rommel Madrigal
Posibleng makaranas ng dagdag-singil sa kuryente ang mga consumer na sakop ng private distribution utilities at electric cooperatives sa kanilang August 2026 electricity bills.
Ito ay matapos tumaas ang kabuuang transmission rate para sa July billing period, na sisingilin ngayong Agosto.
Batay sa datos ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, umakyat sa ₱1.7560 kada kilowatt-hour ang average transmission rate mula sa dating ₱1.4367 kada kilowatt-hour noong June—katumbas ng 22.22 percent increase.
Malaki ang naging ambag dito ng Ancillary Services o AS charges, na ginagamit para mapanatiling stable at reliable ang power grid kapag nagkakaroon ng hindi balanse sa supply at demand.
Mula sa ₱0.7941 kada kilowatt-hour, pumalo sa ₱1.0391 kada kilowatt-hour ang AS rate noong July billing period, o katumbas ng 30.85 percent na pagtaas.
Bahagya namang tumaas ang transmission wheeling rate ng NGCP—mula ₱0.5044 naging ₱0.5436 kada kilowatt-hour.
Iginiit ng NGCP na wala itong kinikitang tubo mula sa Ancillary Service charges, dahil direktang napupunta ang bayad sa mga kumpanyang nagbibigay ng kinakailangang reserve power at sa IEMOP para sa serbisyong mula sa Reserve Market.
0 Comments