SEN. GO HINIKAYAT ANG PUBLIKO NANG MAIGTING NA PAGBABANTAY SA GITNA NG PAGBAHA DULOT NG BAGYO By : Jojo Sicat



SEN. GO HINIKAYAT ANG PUBLIKO NANG MAIGTING NA PAGBABANTAY SA GITNA NG PAGBAHA DULOT NG BAGYO By : Jojo Sicat

   Sa patuloy na pananalasa ng tropikal na bagyong Enteng sa buong Pilipinas, nanawagan si Senador Christopher "Bong" Go sa publiko na manatiling mapagbantay, partikular sa mga lugar na lubhang apektado ng pagbaha. 

Nagpahayag din si Senador Go ng matinding pagkabahala para sa kaligtasan at kapakanan ng mga nasa daanan ng bagyo, lalo na’t may matinding pagbaha sa Metro Manila, mga kalapit na lalawigan, at ilang bahagi ng Visayas, kabilang na ang Camarines Sur.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay prayoridad sa kalusugan at kaligtasan sa mga panahong ito.

Pinaalalahanan din ng senador ang publiko na iwasan ang pagtawid sa tubig-baha upang maiwasan ang mga sakit tulad ng leptospirosis, na maaaring makuha sa kontaminadong tubig.

Kasunod ng mga ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagkukumpirma ng dalawang fatalities at multiple injuries sa Central Visayas, binigyang-diin din ng senador ang pangangailangan para sa isang komprehensibo at proactive na diskarte sa pagbaha. 

Bukod sa mga alalahanin sa kalusugan, hinimok din ni Go ang gobyerno na maging maagap at unahin ang pagbuo at pagpapatupad ng Flood Control Master Plan upang mabawasan ang epekto ng mga natural na kalamidad sa hinaharap.
Nauna ng hinikayat ni Go ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na gamitin nang mahusay ang kanilang badyet upang hindi masayang ang kahit isang piso ng pondo ng publiko at matiyak ang bisa ng mga hakbangin sa pagkontrol ng baha ng pamahalaan lalo na sa gitna ng mga insidente ng pagbaha sa buong bansa.

Post a Comment

0 Comments