By : Roel Tarayao
Naaresto na ng mga otoridad ang miyembro ng gun for hire group na umano'y nagsilbing middle man sa brutal na pagpatay sa mag-asawang online seller matapos masukol ito sa barangay Mangga, San Isidro, Nueva Ecija.
Sa ulat kay Central Luzon Police Director BrigGen Redrico Maranan, kinilala ng pulisya ang nadakip na suspek na si Almario Magno Miranda, 64 taong gulang, residente sa nabanggit na lugar.
Nadakip ang suspek sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte bunsod ng paglabag sa illegal possession of firearms and ammunitions.
Nasamsam sa suspek ang isang caliber 9mm na baril, magazine at mga bala nito.
Sa ulat, si Miranda ang umano'y itinuturong middleman sa brutal na pagpatay kamakailan sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Pampanga.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa patung-patong na kasong may kinalaman sa pagpatay sa magasawa.
0 Comments