BULACAN, NAGKALOOB NG P3 MILYONG TULONG PINANSYAL SA MGA KOMUNIDAD NA NAAPEKTUHAN NG KALAMIDAD. By : Jimmy Mahusay

BULACAN, NAGKALOOB NG P3 MILYONG TULONG PINANSYAL SA MGA KOMUNIDAD NA NAAPEKTUHAN NG KALAMIDAD

By : Jimmy Mahusay
 
LUNGSOD NG MALOLOS – Sa isang kapuri-puring pagpapakita ng pakikiisa at suporta sa panahon ng kalamidad, namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng kabuuang P3 milyong tulong pinansyal sa iba't ibang lugar na sinalanta ng kalamidad sa buong Pilipinas kahapon.
 
Layon ng inisyatibang ito na tulungan ang mga biktima ng mga likas na sakuna kamakailan, kabilang ang mga ash fall mula sa Mt. Mayon at ang mapangwasak na epekto ng Tropical Storm Kristine.
 
Idinirekta sa Lalawigan ng Albay ang malaking bahagi ng tulong pinansyal na ito na nagkakahalaga ng P2 milyon, na nakipagbuno sa naging epekto ng ash fall ng Bulkang Mayon noong nakaraang taon at ang kamakailang pananalanta ng Tropical Storm Kristine. Opisyal na tinanggap ang tulong ni Gob. Baby Glenda Ong, na nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa suportang ipinaabot para sa kanyang mga nasasakupan. 
 
Bukod dito, nakatanggap ng P500,000 tulong ang mga residente ng Lungsod ng Naga, na humarap sa matinding pagbaha dahil sa Tropical Storm Kristine. Ibinigay ang pondo kina Punong Lungsod Nelson Legacion at Municipal Administrator Joselito Del Rosario, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng katatagan ng komunidad sa pagharap sa mga kagipitan.
 
Nakinabang din ang Talisay, Batangas sa makataong pagsisikap na ito, na nakatanggap ng P500,000 na tulong para sa mga biktima ng pagguho ng lupa na ikinamatay ng maraming buhay noong nagdaang bagyo. Nagpahayag ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa napapanahong tulong sina Mayor Nestor D. Natanauan, kasama sina Municipal Administrator Alfredo Anciado at MDRRMO Mark Panganiban.
 
Mahalagang papel ang ginampanan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na pinamumunuan ni Manuel M. Lukban, Jr. sa koordinasyon ng relief effort na ito, kasama ang mga grupo sa pangunguna nina Division Head Ma. Luisa Tapican at Bryan Cyro Velasco na mahigpit na pinamahalaan ang pamamahagi ng mga pondo at tiniyak na ang tulong ay makararating sa mga higit na nangangailangan nito.
 
Nag-isyu din ng direktiba si Gob. Daniel R. Fernando upang matiyak ang mabilis na pamamahagi ng tulong pinansyal, na nagpapatibay sa pangako ng Bulacan na magbibigay ng suporta sa mga oras ng kalamidad at tulong sa pagbangon sa mga apektadong komunidad.
 
"For Bulacan, it is a priority to lend a helping hand to our fellow Filipinos during their time of need. This financial assistance is a testament to our solidarity and compassion, and we hope it brings some relief to those affected by these unfortunate events," ani Fernando.

Post a Comment

0 Comments