MPT SOUTH, NAGTIPON NG MGA AHENSYA AT LGU PARA SA MAS PINALAKAS NA FLOOD MITIGATION SA SOUTHERN METRO MANILA
By : Kanina Carpio
NAGTIPON-TIPON ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, LGUs, at mga komunidad sa isinagawang Flood Mitigation Forum 2026 ng Metro Pacific Tollways South o MPT South upang palakasin ang pagtutulungan laban sa matinding pagbaha sa Southern Metro Manila at karatig-probinsya.
Ito ang kauna-unahang flood mitigation forum na isinagawa sa South na layong pag-isahin ang mga sektor para sa mas maayos na plano at aksyon kontra baha.
Dumalo rito ang mga kinatawan mula sa Office of Civil Defense, DENR, DILG, DPWH, MMDA, at iba pang ahensya, kasama rin ang mga opisyal mula sa Cavite, Laguna, Las Piñas, Parañaque, Pasay, at Taguig.
Ibinahagi sa forum ang datos hinggil sa mga flood-prone areas upang makatulong sa mas epektibong flood mitigation planning. Tinalakay rin ang epekto ng maling pagtatapon ng basura na isa sa pangunahing sanhi ng pagbaha sa mabababang lugar.
Ayon kay Office of Civil Defense Director Jose Harry Barber, mahalaga ang maayos na pamamahala at aktibong partisipasyon ng komunidad upang maging matagumpay ang disaster risk reduction programs.
Samantala, tiniyak naman ng MPT South na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga LGU at national agencies upang maisakatuparan ang mga napag-usapang hakbang laban sa pagbaha.
0 Comments