By : Rommel.Madrigal
Nanawagan si senatorial candidate at Makati Mayor Abby Binay para sa mahinahong pagtugon sa mga insidente ng karahasan sa ilang public schools sa Metro Manila na ipinakita sa viral videos kamakailan.
Aniya, hindi solusyon ang pagpapatupad ng labis-labis na hakbang para sa seguridad na kasing-higpit ng airport security dahil masama ang magiging epekto nito sa mga mag-aaral.
Kapag nagmistulang “war zone” ang mga eskwelahan, magkakaroon na ng takot ang mga mag-aaral sa tuwing sila ay papasok, imbes na maramdaman nilang ligtas sila, paliwanag ni Binay.
Aniya pa, isolated cases lamang ang mga nakaraang insidente at wala namang insidente ng mass shooting o pamamaril sa eskwelahan sa bansa, di tulad sa Estados Unidos.
Hinimok din ni Binay ang school administrators, faculty, community leaders, mga magulang at guardian na magtulungan upang mapanatiling ligtas ang mga paaralan, lalo na sa pagpapatupad ng Anti-Bullying Act.
Aniya, hindi ito kayang gawing mag-isa ng mga tagapamahala ng paaralan, at binigyang-diin niya ang tungkulin ng mga magulang at guardian sa pagpigil sa bullying at anumang insidente ng karahasan bunga nito.
Dapat aniyang tutukan ang mga anak na estudyante para maagap na makita ang mga senyales na sila ay binubully, o ang mga kilos na nagpapakita ng marahas na kagawian. Hinikayat din niyang maging aktibo sila sa mga aktibidad sa paaralan para mas maintindihan ang isyu at mga polisiya tungkol sa bullying, at magabayan ang kanilang mga anak kung papaano mapoprotektahan ang mga sarili sa paraang mahinahon at naaayon sa batas.
Tinukoy din ni Binay ang malalang kakulangan sa guidance counselors na iniulat ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2. Kailangan aniyang matugunan ito kaagad sa harap ng lumalalang insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa.
Aniya, hindi matatawaran ang papel ng guidance counselors sa pagpapalaganap ng ligtas na mga paaralan, kaya’t dapat nang baguhin ang mga panuntunan para sa posisyong ito para mapunan ang kakulangan. Iniulat noong July 2024 ng EDCOM 2 na nasa 4,400 ang bakanteng posisyon para sa guidance counselors sa public schools sa buong bansa.
0 Comments